Inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga inaprubahang pagbabago sa pasahe para sa mga bus at iba pang pampublikong sasakyan na magsisimula ngayong Lunes, Setyembre 28.
Sa isang pabatid sa Facebook, sinabi ng LTFRB na ang pasahe sa mga ordinaryong Metro at City bus ay P15 para sa unang kilometro at may karagdagang P2.49 sa mga susunod na kilometro.
Magsisimula naman sa P18 ang pasahe sa mga air-conditioned na Metro at City bus para sa unang kilometro at P2.98 sa mga kasunod na kilometro.
Magkakaroon din ng 15 porsyentong pagtaas ang mga Point-to-Point bus batay sa kanilang mga ruta.
Para sa mga provincial bus, tataas ng P12 ang unang kilometro habang ang mga kasunod na kilometro ay P2.20 para sa Ordinary Bus, P2.45 para sa Air Conditioned Bus, P2.60 para sa Deluxe Bus, P2.70 para sa Super Deluxe Bus, at P3.35 para sa Luxury Bus.
Ang bagong pamasahe naman para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) ay P65 sa Sedan, P75 sa AUV/SUV, P55 sa Hatchback, at P165 sa Premium, habang ang pick-up fare ay magsisimula sa P15 kada kilometro.
Magsisimula ang pagpapatupad ng taas-pasahe ngayong Lunes, Setyembre 28, 2026.















