Umapela ang Pilipinas sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na maging bukas para sa mga nagnanais mamuhunan o magnegosyo sa Southeast Asian region.
Sa pagbubukas ng ika-29 na ASEAN Investment Area (AIA) Council Meeting, binigyang diin ni DTI Secretary Cristina Roque ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pamumuhunan sa naturang rehiyon para makamit ang inaasam ng mga bansa na paglago ng ekonomiya.
Ang investment, ayon kay Roque, ay isa sa mga pangunahing nagtutulak sa ekonomiya ng SE Asia para lumakas at lalo pang maging competitive.
Iginiit din ng kalihim na ang pagiging bukas ng rehiyon sa pamumuhunan ay magiging daan upang mapanatiling competitive ang ASEAN at higit pang pagtibayin ang posisyon nito bilang pangunahing destinasyon ng negosyo at mga turista sa Asia-Pacific Region.
Sa kabilang banda, nanindigan din ang kalihim na hindi sapat na maipakita ng SE Asian countries ang pagiging bukas nito sa investment at sa halip ay ma-sustain din ng mga naturang bansa ang magandang record.
Patuloy kasi aniyang sinusuri at nagsasagawa ng assessment ang mga investor at mahalagang manatili ang kanilang confidence sa ekonomiya ng isang bansa upang magpatuloy ang operasyon ng kanilang mga negosyo.
Binigyang-diin din ni Sec. Roque ang agarang pag-upgrade ng ASEAN Trade in Goods Agreement (ATIGA)
Ayon sa kalihim, malaki na ang nagbago sa trading environment sa Asia-Pacific Region, kaya’t kailangan nang baguhin ang ilang nilalaman ng ATIGA upang mai-akma sa mga pagbabago sa SE Asian Region.
Sa pamamagitan nito, tiyak aniyang mas mapapatatag ang kalakalan, supply chains, at oportunidad para sa mga negosyo sa rehiyon.
















