Nagpahayag ng interes ang limang ekonomiya na sumali sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) kasabay ng pagsisikap ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na palawakin ang kasapian ng naturang regional trade bloc.
Batay sa opisyal na pahayag matapos ang 58th ASEAN Economic Ministers’ Meeting sa Maynila kamakailan, inihayag ng lupon na pormal nang humihiling ng accession sa RCEP ang Hong Kong, Sri Lanka, Chile, Bangladesh, at Uruguay.
Mainit na tinanggap ng mga ministro ng ekonomiya ng ASEAN ang mga paunang hakbang para sa pagpapalawak ng RCEP at nanawagan ng patuloy na pagsisikap upang maiusad ang proseso ng pagtanggap sa mga bagong kasapi.
Binigyang-diin ng ASEAN na ang pinaigting na kasunduan sa RCEP ay dapat manatiling moderno, nakahanda sa hinaharap, at mabilis na nakatutugon sa nagbabagong kalagayan ng rehiyonal at pandaigdigang ekonomiya.
Ang RCEP, na pinangungunahan ng ASEAN, ay sumasaklaw sa malayang kalakalan ng mga produkto at serbisyo, pamumuhunan, intellectual property, at electronic commerce sa buong rehiyon.
Inilarawan ng mga ministro ang RCEP bilang isang pangunahing haligi ng rehiyonal na kalakalan na nagpapatatag sa mga supply chain at nagpapalalim sa ugnayan sa pamumuhunan at kalakalan ng mga kasaping bansa.
















