-- Advertisements --

Inaasahan ng Philippine Ports Authority o PPA ang pagdami ng mga pasahero sa mga pantalan sa susunod na linggo dahil sa mas mahabang holiday break para sa ASEAN Summit sa Metro Manila. Ayon sa PPA, posibleng ipinagpaliban ng ilang biyahero ang kanilang pag-uwi noong Undas upang samantalahin ang limang araw na bakasyon mula Nobyembre 14 hanggang 18.

Batay sa datos ng PPA, bumaba nang 16 porsiyento ang bilang ng mga pasahero sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Dahil dito, nakahanda na ang mga tauhan ng PPA para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero. Maglalaan din ng libreng shuttle service sa ilang pantalan at online reservation assistance sa mga pangunahing pantalan sa Lucena, Balanacan, Calapan at Batangas.

Samantala, libre hanggang Disyembre 31 ang terminal fee sa Passenger Terminal Building ng Port of Lucena. Magpapatupad din ang PPA ng mga hakbang para sa seguridad at kaginhawaan ng mga pasahero, kabilang ang paggamit ng CCTV, pagroronda ng security personnel at pamamahagi ng libreng tubig at meryenda sa ilang pantalan.