Sinagot ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na umano’y galit ang mga Pilipino sa pag-aresto at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.
Sa panayam sa Davao City, sinabi ni VP Sara Duterte na nananatiling galit ang maraming Pilipino sa nangyari at hindi umano mawawala ang galit na ito hangga’t hindi naibabalik sa Pilipinas ang dating Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maaaring ganito ang pananaw ng Bise Presidente dahil ang kanyang ama ang nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Gayunman, iginiit ni Castro na hindi maaaring sabihing lahat ng Pilipino ay may parehong damdamin tungkol sa isyu.
Aniya, may mga sektor din ng lipunan na patuloy na naghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) na iniugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ng Malacañang, ang mga kasong isinampa laban sa dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) ay nagmula rin sa mga reklamong inihain ng ilang Pilipino na naniniwalang hindi nila nakuha ang hustisyang hinahanap nila sa loob ng bansa.










