-- Advertisements --

Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa araw ng Martes, Marso 17 ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga tricycle driver sa Metro Manila na apektado ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa gitna ng epekto ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Sabado, Marso 14, sinabi ni DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao na makakatanggap ang bawat benepisyaryong tsuper ng tig-P5,000 sa ilalim ng programa ng ahensiya na Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS).

Ayon sa DSWD official, nasa tinatayang 139,000 tricycle drivers ang makakatanggap ng cash aid.

Saad ni ASec. Dumlao, nakipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na ehekutibo at local social welfare officers noong nakalipas na araw, kung saan pumayag ang ahensiya na maisumite ang talaan ng mga tricycle drivers sa DSWD at sesertipikahan ito upang masigurong makakatanggap ng tulong pinansiyal ang lahat ng tricycle drivers sa kanilang nasasakupan.

Pinaalala naman ng DSWD official sa mga tricycle driver na magdala ng valid license driver at photocopy bago magtungo sa mga nakatalagang payout sites.

Binigyang diin din ni ASec. Dumlao na mahalagang makipag-uganyan ang mga tricycle driver sa kanilang asosasyon upang malaman kung kabilang sa talaan ng makatatanggap ng tulong pinansiyal, sabay giit na dapat lahat ng tricycle drivers sa mga lokal na pamahalaan ay kasama sa listahan.

Tiniyak din ni ASec. Dumlao na magbibigay din ng tulong ang DSWD sa iba pang tsuper na nasa crisis situation na apektado ang kabuhayan at kapos ang iniuuwing kita sa kanilang pamilya bunsod ng epekto ng malakihang pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, nakatakdang palawigin pa ng DSWD ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa iba pang transport sectors sa buong bansa.