Umabot na sa kabuuang P40.265 million ang naipamahaging cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa DSWD, ipinamahagi ang tulong-pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga residente at pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol.
Sinabi ni DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Assistant Secretary Irene Dumlao na nagpapatuloy ang paghahatid ng tulong ng ahensya, partikular sa General Santos City at iba pang lugar sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN.
Ayon pa sa opisyal, tiniyak ng ahensya na ang mga pamilyang sumailalim sa kinakailangang assessment at validation ay nakatanggap ng kaukulang tulong upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan habang nagsisimula silang makabangon mula sa epekto ng lindol.
Bukod sa cash aid, nakapagpamigay na rin ang DSWD ng mga family food packs (FFPs), non-food items, at ready-to-eat food (RTEF) boxes para sa mga apektadong residente.
Binigyang-diin din ni Dumlao na nananatiling nakaantabay ang ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na walang pamilyang maaapektuhan ng kalamidad ang mapag-iiwanan ng tulong.
Nilinaw naman ng DSWD na ang lahat ng serbisyo at ayuda na ipinamahagi sa mga apektadong residente ay isinagawa alinsunod sa umiiral na mga protocol at alituntunin sa disaster response upang matiyak ang maayos at patas na distribusyon ng tulong.
















