-- Advertisements --

Kampante ang ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) na mapapadali na ang pagsubaybay sa pagtupad ng bawat member country sa kanilang mga pangako at development targets kasunod ng paglulunsad ng isang bagong digital monitoring system.

Ang naturang sistema ay tinawag na Project Monitoring, Evaluation and Learning (PMEL System), isang bagong digital monitoring system na magtitipon sa mga datos mula sa iba’t ibang sektor upang masubaybayan ang pagpapatupad ng bawat bansa sa kanilang mga pangako at development targets.

Paliwanag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, pagsasamahin na sa iisang central database ang mga impormasyong dati ay nakakalat sa iba’t ibang ahensya at sektor sa rehiyon.

Susubaybayan din dito ang mahahalagang isyu tulad ng child protection, labor protection, kapakanan ng migrant workers, at disaster response.

Kasama rin sa mga makikita rito ay ang pagtugon ng bawat bansa sa iba’t-ibang problema at iba pang usapin sa human development.

Ayon pa kay Sec. Gatchalian, mapapadali ng naturang sistema ang access sa impormasyon sa bawat member country.

Magkakaroon din ng monitoring mechanism ang sistema upang masukat ang epekto ng mga programa at matukoy kung saan kinakailangan ang karagdagang hakbang.

Unang binuo ang naturang sistema sa tulong at suporta ng German government.