Inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na unti-unting pinapalawak ng ahaensiya ang paggamit ng digital channels sa pamamahagi ng ayuda, ngunit nananatiling hamon ang kawalan ng bank account ng maraming benepisyaryo.
Ayon kay Gatchalian, fully digital na ang payout sa Walang Gutom Program at 4Ps, habang isinasagawa pa ang digitization ng ilang social protection programs gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), kabilang ang UPLIFT.
Sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT, iginiit ng kalihim na layunin nitong maging digital ang payout para sa 2.5 milyong benepisyaryo.
Gayunman, lumabas sa isinagawang validation na 20% lamang sa kanila ang may bank account.
Dahil dito, nakikipagtulungan umano ang ahensiya sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang ma-enroll ang mas maraming benepisyaryo sa mga bank account at para unti-unting maisagawa ang digital distribution ng ayuda.
Samantala, sinabi naman ni Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto na mahalagang isaalang-alang ang mga benepisyaryong walang bangko, smartphone o internet upang hindi sila mapag-iwanan sa paglipat sa digital payout system.
















