-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaari pa ring mag-apply at makatanggap ng tulong mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) kahit ang mga kabilang sa middle class.

Ayon kay Program Director Edwin Morata sa isang media forum nitong Biyernes, ang mga biglaang pangyayari tulad ng sakuna, sakit, o iba pang emergency ay hindi pinipili kung mahirap, mayaman, o nasa gitnang uri ng lipunan ang maaapektuhan.

Giit niya, layunin ng programa na tumulong sa sinumang dumaranas ng krisis na hindi inaasahan at hindi agad kayang tustusan ng kanilang pinansyal na kakayahan.

Ipinaliwanag ng DSWD na may tatlong pangunahing hakbang sa pag-apply sa AICS: queuing, assessment, at interview bago maiproseso at maibigay ang tulong pinansyal.

Kabilang sa pangunahing hinihinging dokumento ang valid ID at medical certificate, medical abstract, o certification mula sa doktor o mental health professional.

Depende sa pangangailangan ng aplikante, maaari ring hingin ang iba pang dokumento tulad ng laboratory request, doktor’s order o treatment protocol na may nakasaad na presyo, reseta para sa gamot, at statement of account para sa hospital bill.

Ayon sa ahensya, ang AICS ay nakalaan para sa mga indibidwal o pamilyang nakararanas ng biglaang krisis na hindi nila kayang tugunan agad ang gastusin.