Natapos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tig-P5,000 cash assistance sa mahigit 1.82 milyong public utility vehicle (PUV) drivers at delivery riders na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita na si Irene Dumlao, isinagawa ang pamamahagi mula Marso 17 hanggang Hunyo 30 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Sa kabuuan, mahigit P9.139 billion ang naipamahaging ayuda sa 1,827,827 benepisyaryo sa buong bansa.
Pinakamarami sa mga nakatanggap ng tulong ang mga tricycle driver na umabot sa 1,200,009.
Sinundan ito ng 314,530 delivery riders, 119,030 jeepney drivers, mahigit 104,000 motorcycle taxi drivers, at 89,394 transport network vehicle service (TNVS) drivers.
Ayon sa DSWD, tinatayang nasa 2.4 million PUV drivers ang target na mabigyan ng ayuda batay sa listahang isinumite ng mga local government unit (LGU), Transport Network Companies, pribadong delivery service providers, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ipinaliwanag ni Dumlao na ang agwat sa pagitan ng target at aktuwal na bilang ng mga benepisyaryo ay maaaring dahil ang ilan sa mga nakalista ay hindi na nagtatrabaho bilang PUV drivers nang ipatupad ang programa.
















