Inihayag ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep. Joel Chua na ang mga huling pahayag ni Vice President Sara Duterte ay nagpapakita ng “takot kaysa katotohanan” habang nagpapatuloy ang proseso ng impeachment laban sa kanya sa Kamara.
Ayon kay Chua, ang paghahain ng mga reklamo sa impeachment ay simula pa lamang ng konstitusyonal na proseso kung saan susuriin ng Kamara kung may sapat na batayan upang ihain ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Dagdag pa niya, hindi pa nagsusumite ng pormal na sagot ang Bise Presidente sa mga natitirang reklamong nakabinbin.
May karapatan umano si Duterte na magsumite o hindi magsumite ng pleading, na maaaring bahagi ng legal na estratehiya para ihayag ang pangunahing depensa sa Senado.
Gayunman, sinabi ni Chua na ang mga kamakailang pahayag ni Duterte ay tila nagbubunyag na ng bahagi ng kanilang depensa at maaaring makatulong pa sa kaso ng Kamara kung umusad ang proseso.
Iginiit din niya na ang tono ng pahayag ng Bise Presidente ay tila nakatuon sa pag-impluwensiya ng opinyon ng publiko.
Binigyang-diin ni Chua na ang impeachment ay sinusunod ang mga tuntunin ng Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara, at hindi umano dapat sirain bago pa matapos ang proseso.
















