-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang paghuhukay sa isang libing sa Lungsodaan Public Cemetery bayan ng Mabini Bohol matapos matagpuan ang bangkay ng isang babae sa labas ng kanyang pantyon.

Tinatayang siyam na buwan nang nakalibing ang biktima nang madiskubre ang insidente noon nakaraang araw, Enero 20.

Sa ekslusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Joseph Marlon Bacalos, Officer-in-charge ng Mabini Police station, sinabi nitong isang residente ang unang nakapansin sa bangkay habang bibisita sana sa sementeryo sa kanyang pumanaw na mahal sa buhay.

Agad itong ini-report sa barangay, na siyang humingi ng tulong sa kapulisan.

Sinabi pa ni Bacalos na lumabas sa paunang imbestigasyon na hindi ginalaw ang katawan ng biktima at nananatiling intact, ngunit malinaw na sinasadyang hinukay ang libingan.

Aniya, isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga otoridad ay posibleng treasure hunting, lalo’t may indikasyon na sinubukan ding gibain ang katabing nitso.

Sa ngayon, wala pang malinaw na motibo at wala ring nakuhang CCTV footage dahil malayo ang mga kabahayan sa lugar.

Wala rin umanong naiulat na kahalintulad na insidente sa nasabing sementeryo bago ang pangyayari at ito ang unang beses.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga sangkot at maisampa ang kaukulang kaso.

Nanawagan ang kapulisan sa sinumang may impormasyon kaugnay sa insidente na agad itong iulat sa himpilan ng pulisya.