-- Advertisements --

Ipinapanukala ng grupong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang paggawad ng pamahalaan ng P100-P200 na emergency cost of living allowance sa mga manggagawa.

Ito ay sa gitna ng inaasahang epekto sa labor sector ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa tumitinding giyera sa Middle East.

Ayon kay TUCP Spokesperson Carlos Miguel Oñate, matutulungan nito ang mga manggagawang maaapektuhan sa inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa mga serye ng bigtime oil price hike, ang pinakauna ay nakatakda sa susunod na linggo.

Sa ilalim ng panukala ng TUCP, maaaring utusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga regional wage boards na magbigay ng nasa P100-P200 na emergency cost of living allowance sa mga manggagawa, sa pakikipag-ugnayan sa mga pribadong kumpaniya.

Mas magaan aniya ito kumpara sa wage hike na posibleng abutin pa ng ilang buwan o taon.

Hindi rin aniya maapektuhan ang iba pang benepisyo ng mga manggagawa tulad ng overtime pay, retirement, at iba pa, kayat mas magiging magaan na pasanin ng mga employer kung sakaling mapagbibigyan.

Malinaw aniya na may emergency sa hinaharap, kaya’t malaki ang pangangailangan ng mga manggagawa, lalo na kung magtatagal pa ang giyera sa Middle East.

Ang E-COLA ay naibibigay sa pamamagitan ng isang wage order, na ayon kay Oñate, ay maaari lamang ipag-utos ng Pangulo.