-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Migrant Workers na nasa 9,854 na Pilipino na ang nakabalik sa bansa dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Batay sa datos ng ahensya hanggang Mayo 20, 2026, kabilang sa mga nakauwi ang 7,748 overseas Filipino workers (OFWs), 1,745 na kapamilya nila, at 361 stranded na Pilipino.

Ayon sa DMW, mahigit 60,000 katao rin ang nabigyan ng iba’t ibang uri ng tulong sa ilalim ng repatriation at assistance programs ng gobyerno. Kabilang dito ang financial assistance, pagkain, medical aid, transportasyon, at pansamantalang matutuluyan.

Samantala, dumating naman sa bansa nitong Huwebes ang 79 pang OFWs mula Kuwait sakay ng Gulf Air flight bilang bahagi ng patuloy na repatriation efforts ng pamahalaan.

Sinalubong ang mga umuwing OFWs ng mga tauhan mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at medical team ng Manila International Airport Authority.

Bukod sa agarang ayuda, naghanda rin ang gobyerno ng reintegration programs tulad ng job matching, skills training, at livelihood assistance upang matulungan ang mga OFW na makapagsimulang muli sa bansa.