Nagbigay ng panibagong babala si U.S. President Donald Trump sa Iran matapos sabihin nitong kailangang kumilos agad ang Tehran para sa peace deal kung ayaw nitong maubos.
“For Iran, the Clock is Ticking, and they better get moving, FAST, or there won’t be anything left of them,” pahayag ni Trump.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na mabilis na nauubos ang oras para sa Iran habang nagpapatuloy ang digmaan na nagsimula matapos magsagawa ng malawakang pag-atake ang Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28.
Patuloy na nahihirapan ang dalawang panig na magkasundo sa peace negotiations, habang lumalala ang epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan kung saan apektado na ang pandaigdigang presyo ng langis.
Kasabay nito iniulat ng Israeli military na muling nagpaputok ng humigit-kumulang 200 projectile ang grupong Hezbollah laban sa Israel nitong nakaraang weekend, kahit may umiiral na ceasefire extension sa pagitan ng Israel at Lebanon.
Samantala, sinabi ng Lebanon health ministry na limang katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi sa panibagong airstrikes ng Israel sa southern Lebanon.
Nagkaroon din ng panibagong sigalot sa usapang pangkapayapaan matapos sabihin ng Iranian media na walang konkretong konsesyon ang alok ng Amerika sa pinakahuling negosasyon.
Kabilang umano sa mga hinihingi ng Washington ang paglilimita sa operasyon ng nuclear facilities ng Iran at paglipat ng enriched uranium nito sa U.S.
Patuloy namang namamagitan ang Pakistan sa peace talks.
















