-- Advertisements --

Posibleng mas marami pang social media influencer pages ang maipatanggal sa Meta platform dahil sa umano’y pagpo-promote ng illegal online gambling.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, national campaigner ng Digital Pinoys, sinabi nitong nagpapatuloy ang kanilang monitoring sa mga social media account na nag-eendorso ng mga ilegal na sugal online.

Kamakailan lamang ay apat na influencer pages na may malalaking bilang ng followers ang na-take down matapos ma-flag sa pagpo-promote ng illegal gambling sites.

Kabilang dito ang Perkz Gaming, Vic Desucatan, Awit Gamer, at Miss Ginbilog na may pinagsamang mahigit 15 milyong followers.

Nagpasalamat naman ang grupo sa agarang aksyon ng Meta Platforms at ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center matapos maaksyunan ang kanilang mga ulat.

Ayon pa kay Gustilo, may iba pang influencer accounts na kasalukuyang mino-monitor at inaasahang mas marami pang pages ang maaaring ma-take down sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Binigyang-diin din ng grupo ang responsibilidad ng mga social media influencers sa kanilang mga ineendorso online, lalo na kung maaari itong magdulot ng scams, pinansyal na pagkalugi, at pagkalantad ng mga kabataan sa ilegal na online betting.