Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring umabot sa higit 7 porsyento ang inflation sa Pilipinas kung lalo pang lalala at tatagal ang sigalot sa pagitan ng United States, Israel, at Iran sa Middle East.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, posibleng mangyari ito kung tataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Sa unang senaryo, maaaring umabot sa 100 dolyar kada bariles ang langis sa Marso at manatili sa higit 80 dolyar hanggang Mayo.
Sa mas matinding senaryo, maaari itong pumalo sa 140 dolyar kada bariles at manatiling mataas hanggang Setyembre.
Dahil dito, maaaring lumagpas ang inflation sa target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 porsyento, dulot ng pagtaas ng presyo ng fuel, pagkain, at iba pang bilihin.
Sa mas matinding sitwasyon, maaaring umabot sa 6.3 hanggang 7.5 porsyento ang inflation sa Marso at Abril.
Posible ring sumirit ang presyo ng diesel hanggang P96.76 kada litro at gasolina hanggang P88.79 kada litro.
Babala rin ng DEPDev na kung magkakaroon ng deployment ban at repatriation ng OFWs sa Middle East, maaaring bumaba ang remittances ng higit P226 bilyon hanggang P231 bilyon, na maaaring magpabagal sa paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong 2026.
















