Patay ang apat na katao matapos na araruhin ng wing van ang motorsiklo sa Lungsod ng Cebu.
Naganap ang insidente pasado alas-2 ng hapon nitong Martes, Marso 10 sa Barangay Busay.
Base sa imbestigasyon ng mga kapulisan, mabilis na binabagtas ng wing van ang pababang bahagi ng kalsada.
Bigla na lamang itong nang-agaw ng linya at tumama sa kasalubong na motorsiklo.
Agarang nasawi ang tatlong lulan ng motorsiklo na kinabibilangan ng 60-anyos na babae at dalawang pamangkin nito.
Isa sa mga pamangkin nito ang nagmamaneho ng motorsiklo ng mangyari ang aksidente.
Pumailalim ang motorsiklo sa ilalim ng van dahil sa lakas ng impact ng aksidente.
Dinala naman sa pagamutan ang driver ng van kasama ang pahinante nito subalit pumanaw din ang driver matapos ang ilang oras.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.
















