Pormal nang sinampahan ng panibagong reklamong cyberlibel at perjury ni National Security Adviser Eduardo Año sa Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules ang 18 nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines at ang abogadong si Atty. Levito Baligod.
Ang hakbang ay isinagawa isang linggo matapos ihain ni Año ang kanyang unang reklamo, bunsod ng pagdawit sa kanya sa isyu ng umano’y bulto-bultong salapi mula kay dating mambabatas Zaldy Co.
Ayon kay Año, inamin mismo ng abogado ang pagmamanipula sa mga isinumiteng salaysay.
Inakusahan ang kalihim na tumanggap ng paper bag matapos ang isang pagpupulong sa Polo Club townhouse kasama sina Co, dating Speaker Martin Romualdez, at Mamamayang Liberal Representative Leila De Lima.
Nilinaw ni Año na ang ikalawang reklamo ay mas personal kumpara sa naunang isinampa na nakatuon sa pagpapakalat ng fake news
Pinunto rin ni Año na walang tinukoy sa joint affidavit kung sino ang direktang nakakita sa mga paratang laban sa kanya.
Naniniwala ang kalihim na may dalawang indibidwal na nasa likod ng pagdadawit sa kanyang pangalan, bagama’t tumanggi siyang isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Samantala, inihayag ng kalihim na sinisilip na rin ng pamahalaan ang posibleng sabwatan upang pabagsakin ang gobyerno.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo, unang kinasuhan ni Año sina Baligod, ang mga nagpakilalang dating Marines, at dating Congressman Mike Defensor ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
















