-- Advertisements --

Isiniwalat ng National Bureau of Investigation na mayroon itong natanggap na impormasyon ukol sa panunuhol umano sa 18 ex-Marines.

Sa naganap na pulong balitaan, ibinahagi ni NBI Dir. Atty. Melvin Matibag na meron dumulog sa kanilang tanggapan at nagbahagi ng salaysay ukol sa nabanggit na alegasyon.

Aniya’y ang indibidwal na ito ay ibinunyag na nagkaroon ng bayaran at panunuhol sa 18-ex marines para lamang humarap sa publiko at tumestigo sa isyu ng korapsyon.

Batay raw sa salaysay nito, 5-milyon piso ang ibinayad sa mga dating sundalo.

Dito pinangalanan at pinaratangan si dating Cong. Mike Defensor na umano’y ang siyang nag-alok ng ganitong halaga kung kaya’t pinaiimbestigahan na ng direktor ang paratang.

Pagtitiyak ng kawanihan na recorded at pirmado ang salaysay ng indibidwal nag-aakusa sa labing walong dating sundalo sinuhulan ng milyun-milyon halaga ng pera.

Ani pa Direktor Matibag, nag-isyu na ng subpoena ang National Bureau of Investigation sa itinuturong miyembro ng grupo maging kay dating Cong. Mike Defensor upang kunin ang kanilang panig.

Patuloy na bineberipika ng ahensiya ang mga alegasyon upang matukoy anila ang buong katotohanan.