-- Advertisements --

Iginiit ni National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag na posibleng managot sa batas ang mga hosts ng Machong Chismisan. 

Ayon kay NBI Dir. Atty. Melvin Matibag, malinaw aniyang ipinagbabawal sa batas ang pangungutya, at paninirang puri sa mga indibidwal na may kapansanan.

Nakasaad aniya ito sa Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons na siyang inamyendahan sa Republic Act No. 9442. 

Kaya’t ang mga lumabag aniya sa naturang batas ay posibleng maharap sa pagkakakulong at pati kaakibat na multa. 

Ipina-subpoena na rin ng kawanihan ang mga ‘hosts’ ng naturang podcast ngunit tanging iisa pa lamang ang nagpakita. 

Dagdag pa rito’y naniniwala ang direktor na pasok ang lahat ng mga elemento upang mapanagot ang ‘hosts’ sa batas. 

Paliwanag niya’y merong nangyaring pangungutya, ginawang tampulan ng katatawanan ang taong may kapansanan at hayagan o naka-broadcast pa. 

Samantala, aminado naman si 1PWD Partylist Rep. JD Castro na sila’y nasaktan ukol sa pahayag na walang kwenta ang isang may kapansanan. 

Ito aniya’y maituturing diskriminasyon kaya’t nanawagan huwag na sanang maulit pa ang nangyari. 

Nag-ugat ang isyu matapos hayagan kutyain o gawing katatawanan ng Machong Chismisan podcast ang anak ng aktres na si Kris Aquino.