Posibleng galing sa mga kontratista ang kickback na diumano’y ipinadala kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng mga flood control project, ayon sa pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Agent Atty. Ivan Samson sa Sandiganbayan.
Ayon kay Samson, hindi nila naipakitang may matibay na ugnayan ang mga kontratista at ang mga engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inutusan umanong maghatid ng pera sa senador.
Inamin din ng opisyal na walang malinaw na money trail na sapat upang tiyak na mabuo at mapatunayan ang kaso laban sa mambabatas.
Inihayag ito ni Samson sa unang araw ng bail hearing para kay Estrada at sa kanyang mga kapwa akusadong DPWH engineers hinggil sa kinakaharap na plunder charges.
Bagamat iginiit ng NBI agent na sapat ang kabuuan ng kanilang ebidensya upang irekomenda ang kaso, tinutulan naman ito ng mga abogado ng depensa dahil wala umano siyang personal na kaalaman sa mga kaganapan.
Pinayagan pa rin ng Sandiganbayan si Samson na tumestigo tungkol sa proseso ng imbestigasyon, habang nakatakda namang magpatuloy ang mga pagdinig hanggang Nobyembre 12 kung saan inaasahang haharap si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Oktubre 27.














