-- Advertisements --

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi lamang ng kanilang standard security operations ang pagdedeploy ng mga Marines sa Senado at walang kaugnayan sa anumang kamakailang insidente.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang mga tropa ay regular na nakatalaga upang magbigay ng perimeter security sa iba’t ibang institusyon bilang bahagi ng mga matagal nang umiiral na protocol.

Aniya, mayroon ding mga nakatalagang tauhan sa mga pangunahing gusali ng gobyerno gaya ng Malacañang Palace at maging sa Rizal Monument.

Ang ganitong nakagawian ay ilang taon na umanong ipinatutupad bilang bahagi ng tungkulin ng mga sundalo para na rin sa seguridad.

Ginawa ng opisyal ng AFP ang pahayag sa gitna ng mga katanungan at kumakalat na balita na nag-uugnay sa deployment sa posibleng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa may kaugnayan sa International Criminal Court (ICC) case.

Binigyang-diin din ng AFP na ang papel ng mga Marines ay para lamang sa perimeter security, kaya’t hindi sila pumapasok sa loob ng gusali ng Senado o ng Palasyo.

Gayunpaman, maaari pa ring magbago ang deployment depende sa sitwasyon kung sakaling hilingin ang kanilang assistance.