Nagpulong ang dalawang komite ng House of Representatives, kasama ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan at mga diplomatikong kinatawan upang suriin ang kahandaan ng bansa na protektahan ang humigit-kumulang 2.5 milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding sigalot sa ilang bahagi ng Middle East.
Pinangunahan ito nang House Committee on Foreign Affairs at Committee on Overseas Workers Affairs kung saan tinalakay ang mga hakbang ng pamahalaan sakaling lumala pa ang sitwasyon sa rehiyon.
Dumalo sa pagdinig ang mga opisyal mula sa DFA, DMW, OWWA, DND, at DBM, habang nagbigay naman ng ulat ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Middle East sa pamamagitan ng virtual na pagpupulong.
Ayon kay Pangasinan Rep. Maria Rachel Arenas, ang lumalalang digmaan sa rehiyon ay nagdudulot ng seryosong banta sa milyun-milyong Pilipino roon. Binigyang-diin din niya na prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaligtasan ng mga Pilipino sa mga conflict zone.
Kabilang sa tinalakay ang posibleng paggamit ng P2-bilyong action fund, mga contingency plan para sa evacuation sa pamamagitan ng lupa o dagat, at tulong para sa mga OFW na mananatili muna sa kanilang host countries.
Samantala, iginiit ni Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla ang agarang aksyon ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng OFWs na maaaring maipit sa kaguluhan.
Aniya, hindi sapat ang pangako at dapat itong sundan ng mabilis at konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
















