-- Advertisements --

Pinaiigting na ng Department of Agriculture (DA) ang mga interbensiyon sa merkado para maprotektahan pareho ang mga mamimili at producers mula sa posibleng pagsipa ng presyo ng mga bilihin sa gitna ng epekto ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Sa isang statement, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. pinalalakas pa nila ang isinasagawang monitoring sa mga presyo at bumabalangkas na rin ng contingency plan para ma-secure ang mahahalagang suplay.

Ayon sa kalihim, partikular na nakapokus ang pamahalaan sa pagtiyak na mayroong sapat na food at farm inputs para makayanan ang biglaan o matinding pagtaas ng presyo bunsod ng epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Aniya, bagamat lumalabas na sapat sa ngayon ang lokal na suplay, prayoridad ng pamahalaan ang stability para maipigilang maapektuhan ng pandaigdigang pagbabago ang households.

Ang naturang hakbang ay kasunod ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpakitang sumipa sa 2.5% ang inflation sa 30% income households ng bansa noong Pebrero ng kasalukuyang taon.