Binatikos ni German Chancellor Friedrich Merz ang Estados Unidos kaugnay ng patuloy na tensyon sa Iran, kung saan sinabi niyang tila napapahiya ang Washington sa gitna ng umiigting na krisis sa Middle East.
“An entire nation, the U.S., is being humiliated by Iran’s leadership,” ani Merz sa mga estudyante sa Marsberg.
Ayon kay Merz hindi malinaw ang strategy ng U.S. sa kasalukuyang sitwasyon at tila kulang ito sa direksyon sa pakikipag-ayos sa Iran.
“Iran is much stronger than expected, and the U.S. lacks a persuasive strategy in negotiations,” saad pa ni Merz.
Dagdag pa ng opisyal, mahalaga sa anumang digmaan ang malinaw na plano hindi lamang sa pagsisimula nito kundi pati sa pagtatapos nito.
Ikinumpara rin niya ang kasalukuyang sitwasyon sa mga nakaraang digmaan ng Amerika sa Afghanistan at Iraq, na aniya ay bukod sa magastos ay nagdulot din ng mahabang alitan sa Gitnang Silangan.
Ipinunto rin ng Chancellor na malaki ang epekto ng krisis sa ekonomiya ng Germany at ng Europa, lalo na sa enerhiya at gastusin ng gobyerno.
Ayon pa sa kanya, direkta niyang ipinaabot ang kanyang pag-aalala kay U.S. President Donald Trump, at nagsabing mas magiging matindi sana ang kanyang babala kung alam niyang lalala ang sitwasyon.
Samantala, inihayag din ni Merz na handa ang Germany na magpadala ng mine-clearing vessels upang tumulong sa pagbubukas ng Strait of Hormuz, ngunit kailangan munang humupa ang labanan bago ito matuloy.
















