-- Advertisements --

Sa gitna ng tumitinding tensyon at palitan ng pag-atake ng Estados Unidos at Iran, pinag-aaralan umano ng mga military planner ng U.S. ang pagkakasa ng ground mission para ma-secure ang nuclear materials ng Iran kung magkakaroon ng kasunduan ang dalawang bansa.

Ayon sa mga opisyal ng U.S., kabilang sa mga paunang plano ang pagdeploy ng mga sundalo sa ilang bansa sa Middle East upang suportahan ang mabilisang operasyon ng Department of Energy sa paghahanap, pagseguro, at pag-alis ng stockpile ng highly enriched uranium ng Iran.

Nilinaw ng mga opisyal na bahagi lamang ito ng karaniwang contingency planning at hindi pa pinal na desisyon para magsagawa ng operasyon.

Samantala, sinabi ng isang mataas na opisyal ng administrasyon ng U.S. na sa ilalim ng inaasahang kasunduan, sisirain muna sa mismong lugar ang enriched uranium ng Iran bago ito alisin sa bansa, habang inaasahang tatagal ng 60 araw ang mga teknikal na negosasyon matapos mapirmahan ang memorandum of understanding.