-- Advertisements --

‘Wala pang desisyon ang Iran na magpadala ng negotiating delegation sa Pakistan hangga’t umiiral umano ang isang naval blockade sa Strait of Hormuz, ayon sa ulat ng Tasnim News Agency nitong Linggo.

Ayon sa ulat, hindi na umano lalahok ang Tehran sa mga nakatakdang negosasyon sa ceasefire sa Islamabad kung hindi muna raw aalisin ang nasabing blockade.

Sa kabila nito, inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na darating sa Pakistan sa Lunes ang mga kinatawan ng Amerika upang ipagpatuloy ang usapan sa Iran. Gayunpaman, hindi niya tinukoy kung sinu-sinong opisyal ang lalahok, at wala pang pahayag mula sa White House at sa tanggapan ni U.S. Vice President JD Vance.

Sa isang post sa social media, inakusahan din ni Trump ang Iran na lumabag sa ceasefire agreement matapos umano itong magpaputok ng bala noong Sabado sa Strait of Hormuz.

Nagbanta siya na maaaring targetin ng Estados Unidos ang mga imprastraktura ng Iran, kabilang ang mga power plant at tulay, kung hindi ito papayag sa alok na kasunduan.

“If they don’t, the United States is going to knock out every single Power Plant, and every single Bridge, in Iran,” ani Trump.