Umabot sa Hindi bababa sa 10 barko ang inatake sa loob o malapit sa Strait of Hormuz mula linggo, ang pinakamataas na bilang mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng United States, Israel at Iran, ayon sa Maritime Security Data.
Batay sa datos ng security firm Vanguard, International Maritime Organization at British maritime agency, apat na barko ang tinamaan noong Martes at anim noong Linggo.
Dalawang tripulante ang nawawala, habang isang container ship ang iniulat na lumubog dahil sa mga pag-atake.
Naitala ang 23 insidente ng pag-atake mula nang magsimula ang Oktubre, halos doble ng karaniwang buwanang bilang mula nang magsimula ang digmaan.
Nakaapekto ito sa paglalayag sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pag-export ng langis at iba pang produkto mula sa Gulf countries.
Ayon sa analyst ng Vanguard na si Barun Gupta, maaaring may kaugnayan ang pagdami ng pag-atake sa pagbawi ng oil shipments sa rehiyon.
Samantala, iniulat ng international maritime organization na 24 na seafarer na ang nasawi sa mga insidente sa lugar mula nang sumiklab ang sigalot.















