-- Advertisements --

Tatlong estudyante at isang guro ang nasawi matapos magpaputok ng baril ang isang 16-anyos na binatilyo sa Silver Rail Elementary School sa Bend, Oregon, United States, noong Huwebes, Oktubre 15.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Griffin J. John II, isang dating estudyante ng nasabing paaralan.

Napatay naman ang suspek matapos siyang barilin ni Kaylub Giamanco, isang 36-anyos na ama ng dalawang estudyante sa paaralan, nang harapin nito ang binatilyo sa loob ng gusali.

Kabilang sa mga nasawi ang tatlong batang estudyanteng may edad lima, walo, at 11, gayundin ang 25-anyos na guro na si Megan Lambert.

Samantala, isinugod sa ospital ang isa pang pitong taong gulang na estudyante at isang 54-anyos na guro dahil sa mga tinamong tama ng bala.

Agad na tumawag sa mga awtoridad ang isang motorista matapos paputukan ng suspek ang kanyang sasakyan. Ilang sandali pa, sunod-sunod na ring natanggap ng mga awtoridad ang mga ulat tungkol sa pamamaril sa loob ng paaralan.

Batay sa ulat, pinasok ng suspek ang paaralan matapos paputukan ang mga nakakandadong pinto. Sa loob ng isang silid-aralan, sinubukan naman siyang pigilan ng isang guro sa pamamagitan ng paghagis ng cellphone at pakikipagbuno sa kanya.

Dumating din sa paaralan si Giamanco at hinarap ang suspek bago ito tuluyang napatay.

Ayon sa isang opisyal ng law enforcement na nakausap ng Associated Press, gumamit ang suspek ng pump-action shotgun na binili ng kanyang ina.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang motibo ng pamamaril at kung paano nakuha ng suspek ang baril at mga bala.