-- Advertisements --

Umaasa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na matatapos sa loob ng isang taon ang paglalahad ng ebidensiya ng prosekusyon sa kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Remulla, nakahanda na ang kanilang tanggapan sa pagharap sa korte kaya hindi na dapat tumagal pa ang proseso dahil lamang sa mga posibleng pagkaantala.

Aniya, bagaman may mga kasong umaabot noon ng hanggang 15 taon bago matapos. Ngunit sa pagkakataong ito, tiniyak niyang pinaghandaan na nila ang mga ebidensiyang ilalahad bago pa man nila isinampa ang kaso.

Matatandaang noong Setyembre, nagsampa ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong plunder laban kay Romualdez at dalawa pang akusado kaugnay ng umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng flood control.

Kabilang sa mga kapwa akusado si Felicito Guevarra, pangulo ng Samchan Foreign Exchange Corp., na nagsuko sa mga awtoridad at nagbalik umano ng humigit-kumulang P324 milyon sa pamahalaan.

Ayon kay Remulla, nilagdaan na rin niya ang kasunduan na nagbibigay ng immunity kay Guevarra upang magsilbi itong state witness at tumestigo laban sa mga kapwa akusado.

Sa ngayon, nananatili sa Quezon City Jail Male Dormitory si Romualdez habang dinidinig ang kaso. Nilinaw na ang isang taong target ni Remulla ay para sa paglalahad ng ebidensiya ng prosekusyon at hindi nangangahulugang tiyak nang matatapos ang buong paglilitis sa loob ng panahong ito.