Nananawagan si House prosecution spokesperson Alonto Adiong sa publiko na magbahagi ng tama at totoong impormasyon sa social media tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, mahalagang maipakita ang katotohanan upang hindi malito ang publiko sa magkakaibang pananaw at pampulitikang interes na nakapaligid sa kaso.
Dagdag niya, mahirap kontrolin ang mga kumakalat na opinyon dahil sensitibo at puno ng tensiyong pampulitika ang paglilitis.
Sa kasalukuyan, ginagamit ng prosekusyon ang mga bank records, dokumento ng kumpanya at iba pang ebidensya, habang kinukuwestiyon naman ng kampo ni Duterte ang interpretasyon sa mga ito.
Nagbabala din ang mambabatas kaugnay sa umanoy divertionary tactics ng kampo ni VP Sara para ilihis ang atensiyon ng publiko sa nagpapatuloy na impeachment trial ng pangalawang pangulo.
Samantala, mariing pinabulaanan ni Adiong na sinabi niyang “wala nang lugar ang mga Duterte sa Mindanao,” at tinawag niyang gawa-gawang impormasyon na layong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Adiong na ang pagpapakalat ng mga pekeng balita at maling paratang sa labas ng korte ay isang sinadyang hakbang upang lituhin ang taumbayan at pagtakpan ang umano’y kabiguan ng depensa na maipagtanggol nang maayos ang kaso ng Bise Presidente.
Hinimok ng mambabatas ang publiko na maging mapanuri at tanggihan ang mga impormasyong nagdudulot lamang ng pagkakawatak-watak, kasabay ng giit na ang mga ebidensya at katotohanang inilalahad sa loob ng impeachment court ang dapat maging batayan ng paghuhusga ng sambayanan habang papalapit ang desisyon ng korte.









