-- Advertisements --

Nasawi ang isang 72-anyos na dating kongresista matapos siyang saksakin at pagnakawan sa parking area ng isang mall sa Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal noong Martes, November 17.

Nagawa pang makapamaneho ng biktima ng mag-isa patungo sa ospital ngunit siya ay binawian ng buhay pasado alas-otso ng gabi ng Martes matapos magtamo ng mga saksak.

Nakilala ang biktima na si Teodoro Lim, isang former United Movement Against Drugs party-list representative. Nagdiwang pa ang dating kongresista ng kanyang kaarawan noong November 11.

Sa naging imbestigasyon at sa kuha ng CCTV, papasok na sana sa kanyang sasakyan si Lim dala-dala ang kanyang mga pinamili bandang alas-dos ng hapon nang lumapit sa kanya ang suspek na nakasuot ng sumbrero.

Matapos nito ay nagpambuno pa ang dalawa nang pilitin ng supek na kunin ang pera at cellphone ng biktima hanggang sa pagsasaksakin ng suspek ang dating kongresista.

Naaresto naman ng Antipolo Police ang suspek noong Biyernes ng gabi sa Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal.

Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery with Homicide. Napag-alaman din ng mga awtoridad na siya ay may warrant of arrest sa kasong robbery sa Northern Samar.