-- Advertisements --

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naganap na shootout sa Bocaue Toll Plaza ng Norther Luzon expressway (NLEX), ayon sa Philippine National Police (PNP).

Nananatiling naka-secure ang lugar kung saan naganap ang shootout, na isa rin sa mga sentro ng imbestigasyon, kasunod na rin ng naunang pagproseso rito ng Scene of the Crime Operations (SOCO).

Kasabay nito ay hinimok ng PNP ang publiko na hintayin muna ang kumpletong imbestigasyon ng pulisya at iwasang gumawa ng speculation kaugnay sa naganap na barilan.

Sa ngayon, ang malinaw, batay sa official report ng PNP ay tatlo ang nasugatan sa naturang insidente at agad din silang nadala sa pagamutan para malapatan ng agarang lunas.

Naganap ang barilan sa southbound lane ng Bocaue Toll Plaza ng NLEX, hapon ng ng June 26, 2026.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng hot pursuit operation sa naturang oras laban sa mga indibiwal na umano’y konektado o sangkot sa ilang robbery incidents na nangyari sa mga nakalipas na araw.

Habang nasa kasagsagan ng operasyon ay una umanong nagpaputok ang mga hinahabol na indibidwal at gumanti lamang ang mga pulis. Ang naturang grupo ay sangkot umano sa mga serye ng pagnanakaw sa Central Luzon atbpang bahagi ng bansa. (report by Bombo Jai)