Pinuna ni House Prosecution Panel adviser at Spokesperson Robert Ace Barbers ang mga testigo ni Vice President Sara Duterte dahil umano sa pag-aaksaya ng oras at pondo ng impeachment proceedings sa pamamagitan ng mga testimonya at dokumentong walang direktang kaugnayan sa isyu ng P817 milyong hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay Barbers, sa halip na ilihis ang usapin, dapat direktang sagutin ng depensa kung saan nagmula ang naturang halaga.
Iginiit niyang kailangan ng publiko ng malinaw at mapapatunayang paliwanag tungkol sa pinagmulan ng yaman, kita at mga ari-arian ni Duterte.
Hinamon din niya ang kampo ng bise presidente na magharap ng mga saksi at dokumentong direktang magpapaliwanag o magpapabulaan sa alegasyon.
Binigyang-diin ni Barbers na ang mahalaga ay hindi dami ng saksi o dokumento, kundi ang pagbibigay ng konkretong sagot sa mga alegasyon.
Dagdag pa ni Barbers, nararapat lamang na magkaroon ng makabuluhang resulta ang bawat pagdinig dahil oras at pondo ng taumbayan ang ginagamit dito.
Aniya, ang kailangan ng publiko ay malinaw na sagot tungkol sa pinagmulan ng yaman, hindi mga salaysay na naglilihis sa tunay na isyu.








