-- Advertisements --

Matagumpay na naaresto ng Taguig City Police Station ang lahat ng indibidwal na kabilang sa kanilang Top 10 Most Wanted Persons sa ikinasang operasyon nuong January 2026, bilang patunay ng mas pinaigting na kampanya ng lungsod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Ayon kay Taguig Police Chief Police Colonel Julius Añonuevo, ang nasabing tagumpay ay bunga ng tuluy-tuloy at intelligence-driven na mga operasyon, na isinagawa katuwang ang mga yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang ahensiya ng batas.

Kabilang sa mga naaresto ang mga may kinakaharap na warrant of arrest kaugnay ng statutory rape, iba pang krimen laban sa mga tao, at mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), partikular ang ilegal na pag-iingat ng mapanganib na droga. 

Isinagawa ang mga pag-aresto sa Taguig at mga karatig-lugar.

Ipinaliwanag ni Añonuevo na ang mga resulta ay nagpapakita ng disiplinadong trabaho ng pulisya mula sa masusing case build-up at beripikasyon ng mga warrant hanggang sa target na manhunt operations na sinuportahan ng mahigpit na koordinasyon sa mga hukuman at ng napapanahong impormasyong nagmumula sa komunidad.

Binigyang-diin naman ni Mayor Lani Cayetano na mahalagang salik ang kapayapaan at kaayusan sa pangmatagalang bisyon ng lungsod.

Ayon kay Mayor Lani, ang kapayapaan at kaayusan ang sumusuporta sa ating layuning makabuo ng isang transformative, lively, at Caring City.

Kapag ligtas ang ating mga komunidad, mas maayos ang paghahatid ng serbisyo, lumalago ang mga oportunidad, at mas panatag ang pamumuhay ng bawat pamilya. 

Pinuri ng alkalde  ang kapulisan sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng seguridad sa Taguig.

Dagdag pa ni Añonuevo, magpapatuloy ang pinaigting na operasyon ng pulisya lampas sa buwan ng Enero, kasabay ng pagpapalakas ng ugnayan sa mga komunidad upang matiyak na ramdam ang kaligtasan sa lahat ng barangay ng lungsod.

Hinihikayat naman ang mga residente na mag-ulat ng anumang insidente o magbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng mga opisyal na linya ng pulisya, kabilang ang 9-1-1 emergency hotline at ang mga hotline ng Taguig City Police Station sa 0998-598-7932 at 8642-3582.