Posibleng ipagpatuloy ng U.S. at Iran ang negosasyon sa pangkapayapaan matapos mabigo ang nakaraang round ng kasunduan noong weekend na naglalayong wakasan ang tensyon sa Strait of Hormuz.
“You should stay there, really, because something could be happening over the next two days, and we’re more inclined to go there,” ani Trump sa isang panayam sa New York Post.
Gayunpaman, wala pang tiyak na petsa para sa muling pag-uusap.
Sa kabila ng tensyon, nabatid na bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ang indikasyon na magpapatuloy ang diplomatic talks.
Nauna nang nagpatupad ang Estados Unidos ng blockade sa mga pantalan ng Iran bilang tugon sa pagsasara ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daluyan ng halos 20% ng global oil supply.
Ayon sa U.S. Central Command, mahigit 10,000 sundalo, mga warships, at aircraft ang naroroon sa rehiyon upang gamitin sa kanilang planong operasyon.
Sa unang 24 oras, wala umanong barkong nakalusot sa blockade, habang ilang merchant vessels ang napilitang bumalik sa Iranian ports.
Liban dito nagbabala naman ang Iran na maaari nitong targetin ang mga barko ng Amerika at mga kaalyado nito, kung magpapatuloy ang kanilang operasyon habang tinawag ang blockade na isang “piracy.”
Sa gitna ng krisis, nagbabala ang International Monetary Fund na maaaring malagay sa panganib ang global economy at posibleng mauwi sa recession kung magpapatuloy ang digmaan at mataas na presyo ng krudo.
Sa kabila ng matinding tensyon at banta ng karahasan, nananatiling bukas ang diplomatic channels sa pagitan ng U.S. at Iran, at inaasahang magpapatuloy ang backchannel talks sa mga darating na araw.
Samantala, tumanggi naman ang mga kaalyado ng Amerika sa NATO tulad ng Britain at France na sumali sa blockade, bagama’t handa umano silang tumulong sa pagprotekta sa Strait of Hormuz sa pamamagitan lamang ng multilateral mission.
















