-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Iran ang panibagong proposal ng Estados Unidos upang tapusin ang digmaan sa Gitnang Silangan habang lumalakas ang kontrol ng Iran sa Strait of Hormuz.

Ayon sa mga ulat ng shipping industry, sinabi ng maritime intelligence firm na Lloyd’s List na sarado na ang naturang strait matapos magpatupad ng mas mahigpit na clearance system ang Iran para sa mga barkong daraan dito.

Sinasabing ang Iran ay nagtatag ng bagong ahensya na siyang hahawak sa pag-apruba ng pagdaan ng mga barko sa ruta, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang shipping lanes sa mundo.

Dahil dito, tinatayang nasa 1,500 barko at humigit-kumulang 20,000 tripulante ang na-stranded sa Persian Gulf, ayon sa International Maritime Organization (IMO).

Sa isang maritime forum sa Panama, sinabi ng secretary-general ng International Maritime Organization na ang mga apektadong tripulante ay mga inosenteng manggagawa na ngayon ay naiipit sa gitna ng geopolitical conflict ng Amerika at Iran.

Samantala, kumpiyansa naman si U.S. President Donald Trump na maaaring matapos agad ang digmaan, at sinabing “going unbelievably well” ang mga usapan para sa kapayapaan.
Gayunpaman, nagbabala rin siya na maaaring magpatupad ng “higher level” military strikes ang U.S. kung tatanggihan ng Iran ang alok nito.

Sa kabila ng tensyon, bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, kung saan ang Brent crude at West Texas Intermediate ay parehong bumaba sa ilalim ng $100 kada bariles, bunsod ng pag-asa na magkakaroon pa rin ng peacetalk sa rehiyon.