Mamamahagi ang Department of Social Welfare and Development ng mga water filtration kit sa mga komunidad na apektado ng kakulangan sa malinis na tubig dulot ng El Niño at iba pang kalamidad.
Paliwanag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, pinalawig pa ng ahensya ang pamimigay ng mga nasabing kit na una na nilang sinimulan noong 2024 sa mga rehiyong salat sa ligtas na supply ng inumin.
Maliit man at portable, nilagyan ang mga ito ng 0.1-micron filter na may kakayahang sumala at pumatay sa mga mapanganib na mikrobyo at bakterya gaya ng cholera, salmonella, E. coli, at coliform.
Gamit ang teknolohiyang ito, maaari nang gawing ligtas na inumin maging ang mga naipong tubig-ulan sa mga palanggana o rainwater catcher, pati na rin ang mga nakaimbak sa mga pampublikong imbakan ng tubig.
Tiniyak din ng kalihim na nakapasa sa mahigpit na pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water at may sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration ang mga kit na ipinagkaloob ng Waves for Water Organization Inc.
Kasabay nito, pinalalakas din ng DSWD ang Project Local Adaptation to Water Access (LAWA) at Project Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (BINHI) para siguraduhing may sapat na pagkain at kakayahang makabangon ang mga pamilya mula sa matinding epekto ng pagbabago ng panahon.













