-- Advertisements --

Aabot sa humigit-kumulang 3,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai ang makatatanggap ng $200 o katumbas na AED730 na financial assistance mula sa Migrant Workers Office (MWO) matapos mawalan ng trabaho o maapektuhan ng “no work, no pay” status dahil sa umiiral na tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Labor Attaché John Rio A. Bautista, ito ang unang batch ng benepisyaryo matapos maipadala ang pondo mula sa MWO sa Manila.

Aniya, limitado pa ang paunang budget kaya nasa 3,000 pa lamang ang target na makatatanggap sa unang rollout.

Maglalabas ng bagong advisory ang MWO sa Abril 28 na maglalaman ng link para sa online application.

Pagkatapos mag-apply, aabutin ng tatlong araw ang beripikasyon bago maabisuhan ang mga kwalipikadong OFW.

Makukuha naman ang ayuda sa pamamagitan ng remittance center na Al Ansari, kaya hindi na kailangang pumunta pa sa opisina ng MWO.

Kabilang sa requirements ang online registration, patunay na OFW tulad ng Emirates ID, labor card, o employment contract, at dokumentong magpapatunay na naapektuhan ang trabaho gaya ng certification mula sa kumpanya o notice of cancellation.

Tinatayang nasa 500,000 Pilipino ang nasa Dubai at karagdagang 250,000 sa kalapit na mga emirates, kaya inaasahan ng MWO ang malaking bilang ng aplikante.

Sinabi ng opisyal na pinasimple ang proseso upang mas mabilis na makapag-apply ang mga apektadong manggagawa.