-- Advertisements --

LAOAG CITY – Aksidenteng nabaril ng kasapi ng Philippine National Police sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ang isang babae habang nililinis ang kanyang baril sa protect box sa nasabing lungsod.

Ayon kay Police Lt. Col. Jerome Wangkey, ang chief of police sa lungsod ng Batac, galing ang pulis na may ranggong patrolman mula sa isinagawang checkpoint kung saan naisipan nitong linisin ang kanyang baril dahil magsasagawa ng inspeksyon ang Provincial Internal Affairs Service (PIAS).

Sinabi ni Wangkey na paliwanag ng pulis, habang nililinis ang baril ay nakalbit nito ang trigger kaya pumutok at tumagos ang bala sa kaliwang paa ng biktima, 41-anyos, administrative aide sa Mariano Marcos State University sa lungsod ng Batac.

Agas dinala ang biktima sa pagamutan para sa agarang paggamot dito at nasa mabuti nang kalagayan dahil daplis lamang ang tinamo nito.

Sa ngayon, sinabi ni Wangkey na inilagay agad nila sa restrictive custody ng Philippine National Police ang nasabing pulis at hinihintay pa nila kung anong magiging desisyon ng biktima matapos ang nangyari.

Dagdag ng opisyal na kahit hindi magsampa ng kaso ang biktima ay Moto propio ng PNP na magimbestiga at pwede rin nilang sampahan ng reklamong less grave neglect of duty ang nasabing pulis.