-- Advertisements --

Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang Chinese national na si Jiang Shi Guang matapos mapatunayang nagkasala sa qualified trafficking in persons dahil sa sapilitang paglahok ng isang kapwa Chinese citizen sa online scamming operations sa Lucky South 99 compound sa Porac, Pampanga.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), naglabas ng hatol ang Regional Trial Court ng Pasig City, Branch 152, noong Nobyembre 11, 2026. Bukod sa life imprisonment, pinagmulta rin ang akusado ng P2 milyon at inutusang magbayad ng P500,000 moral damages at P100,000 exemplary damages sa biktima.

Nag-ugat ang kaso sa rescue operation ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Hunyo 7, 2024, katuwang ang PNP-CIDG at PNP-SAF.

Batay sa imbestigasyon, na-recruit ang biktima sa pamamagitan ng job advertisement sa Telegram na nangakong magbibigay ng mataas na sahod. Sa halip, ikinulong siya, pinilit na lumahok sa online romance at cryptocurrency investment scams, at pisikal na inabuso kapag hindi natutupad ang mga ipinag-uutos sa kanya.