Naglabas ng panibagong contingency measures ang Maritime Industry Authority (MARINA) bilang pagpapanatili sa matatag na operasyon ng domestic shipping sa bansa.
Ito ay sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng Advisory No. 2026-10, inaatasan ng ahensiya ang shipping companies at maritime stakeholders na magpatupad ng mga akmang hakbang upang matugunan ang epekto ng tensyon tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, shipping at logistics cost, at aberya sa mga international tanker shipping operations.
Pinapasumite ng naturang opisina ang shipping operators na magsumite sa MARINA Central Office- Franchising Service ng kani-kanilang ‘business continuity plan’, kasama ang energy conservation protocols sa loob ng sampung araw mula mailabas ang naturang advisory.
Pinapayuhan din ang mga kumpaniya at operator na limitahan o tapyasan ang kanilang biyahe, i-consolidate ang bulto ng mga pasahero at mga cargo, at i-maximize ang load capacity ng mga barko, salig sa panuntunan at approval ng MARINA.
Pinaalalahanan din ang mga ito na iprayoridad ang pagbibiyahe ng mga basic commodities at critical cargoes.
Sa mga magkakansela ng ilang biyahe, kinakailangan munang hingin at hintayin ang approval ng MARINA, maliban lamang kung ang dahilan ng kanselasyon ay technical problems na maaaring mag-kompromiso sa operasyon ng mga barko.
Ipinabatid din ng transportation agency sa mga kumpaniya na may ilang paraan para maibsan ang pagtaas ng fuel prices at ang epekto nito sa shipping industry.
Kabilang dito ang posibleng pag-waive ng ahensiya sa bayad ng mga annual tonnage fee na nakatakda ngayong 2026; posibleng pag-grant ng 75% discount sa mga bayarin sa ship documents, at mga certificate habang nagpapatuloy ang krisis; at posibilidad ng pagsuspinde muna panasamantala sa mga bagong fee.
Kasabay nito ay pinapasumite ang mga kumpaniya at operator ng actual na pamasahe, cargo base fare, atbpang maaaring gastusin sa ilalim ng shipping industry, tulad ng fuel surcharge, sa loob ng tatlong calendar days.
Agad namang ipapatupad ang naturang advisory.














