-- Advertisements --

Naghain ng ‘not guilty plea’ si former Department of Public Works and Highways Engineer Emilita Juat sa kinakaharap nitong kasong ‘graft’ may kinalaman sa flood control.

Ito’y nang ganapin ang pagdinig sa naturang kaso sa ika-aapat na dibisyon ng Sandiganbayan kung saan kanya itong personal na hinarap.

Bukod tanging kay Juat lamang ang natuloy na ‘arraignment’ o pagbasa ng sakdal sa ‘graft case’ na kapwa niya akusado pati si former Sen. Bong Revilla.

Ang ‘arraignment’ at ‘pre-trial’ kasi para sa dating mambabatas at former Public Works Engineer Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at ilan pa ay ipinagpaliban ng korte.

Ito’y dahil sa inihain nilang mga mosyon sa korte tulad ng motion to quash arrest warrant, motion to quash information, motion for reinvestigation at iba pa.

Kung kaya’t bunsod nito’y inilipat sa ika-9 na araw ng susunod na buwan ng Pebrero ang arraignment at pre-trial ng kaso.

Bagama’t hindi natuloy ang nakatakda sanang pagbasa ng sakdal kahapon, naniniwala ang abogado ni former Sen. Bong Revilla na si Atty. Reody Anthony Balisi na karapatan ng akusado ang paghahain ng mosyon.

Habang inilipat rin ang pagbasa ng sakdal at pre-trial sa isa pang kasong kinakaharap ng dating mambabatas sa ikatlong dibisyon ng Sandiganbayan.

Sa kaparehong araw at buwan na ika-9 ng Pebrero kasi ang panibagong itinalagang skedyul para sa ‘malversation case’ na isinampa laban sa kanya at ilang dating opisyal.

Matapos lamang ang nakanselang ‘arraignment’, personal pang ininspeksyon ng mga mahistrado ang kulungan ng Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.

Dito kasi kasalukuyang nakadeteni ang mga lalaking akusado sa kasong ‘graft’ at ‘malversation’.

Kung babalikan, naghain ng mosyon ang kampo ni former Sen. Revilla upang hilingin na siya’y mailipat sa Philippine National Police custodial facility dahil sa pangamba sa seguridad.

Binigyan naman ng ilang araw ang prossekusyon para isumite sa korte ang kanilang posisyon at kumento kaugnay sa mga mosyon inihain ng mga akusado.

Ang mga kasong kinakaharap ng dating mambabatas at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways ay may kinalaman sa ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Batay kasi sa impormasyon ng Office of the Ombudsman sangkot sila sa paglabas o ‘release’ ng mahigit 76-milyon piso para sa proyektong wala namang nagawa na pinondohan ng 92.8 million pesos.