-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi maaantala ang mga proyekto sa imprastraktura ng bansa sa kabila ng nakaambang pagtaas ng gastos bunsod ng patuloy na pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang pagpalo ng presyo ng langis sa halos $120 per barels ay inaasahang magpapataas sa halaga ng mga materyales sa konstruksyon, maging sa gastos sa pagpapatakbo ng mga heavy equipment.

Upang maiwasan ang pagkaantala, sinabi ng kalihim na maaaring magpatupad ng mga variation orders o price escalation provisions sa mga kontrata upang i-adjust ang pondo, ngunit mahigpit niyang binalaan na hindi ito dapat abusuhin.

Ang tuloy-tuloy na konstruksyon ay alinsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, nilinaw din ni Dizon na nakadepende sa paglalabas ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) ang pagbabayad sa mga contractors.

Ginawa ang anunsyo sa kalagitnaan ng inspeksyon sa Maharlika Highway sa Eastern Visayas bilang paghahanda sa dagsa ng mga motorista ngayong Holy Week.