-- Advertisements --

Dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa reception na inihanda para sa mga bansang kumakandidato sa puwesto sa United Nations Security Council (UNSC). 

Layunin ng pagtitipon na palakasin ang ugnayan ng mga bansa at makakuha ng suporta para sa nalalapit na halalan ng mga bagong miyembro ng Security Council.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Marcos ang mga kinatawan ng iba’t ibang bansa na suportahan ang kandidatura ng Pilipinas para sa non-permanent seat sa UN Security Council para sa taong 2027 hanggang 2028. 

Ayon sa Pangulo, handa ang Pilipinas na mag-ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at kooperasyon sa pandaigdigang komunidad.

Sinabi rin ni Marcos na mahalagang marinig sa Security Council ang boses ng mga bansang mula sa Global South, kabilang ang Pilipinas, upang mas mapalakas ang pagtutulungan sa pagharap sa mga hamon tulad ng tensiyon sa iba’t ibang rehiyon, pagbabago ng klima, at iba pang pandaigdigang isyu.