-- Advertisements --

Iginiit ni Rep. Gerville Luistro na mas mahalaga ang aktuwal na aksyon kaysa sa label sa paghusga sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, hindi dapat ibatay sa pangalan ng proseso ang konstitusyonalidad nito, kundi sa mga hakbang ng komite alinsunod sa impeachment rules.

Nag-ugat ang isyu nang tawagin niyang “mini-trial” ang pagdinig, na kinuwestiyon ng kampo ni Duterte at iginiit na Senado lamang ang may kapangyarihang magsagawa ng trial.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na ang nagaganap sa House Committee on Justice ay isang “hearing proper” o clarificatory hearing na maihahambing sa preliminary investigation.

Kapag napatunayang may probable cause, maaari nang iakyat ang kaso sa plenaryo ng Kamara para sa botohan. Kapag ito’y naaprubahan, ipapasa ang articles of impeachment sa Senado para sa pormal na paglilitis.