BUTUAN CITY – Patuloy na naka-heightened alert ang Coast Guard Station Surigao del Norte mula pa noong Marso 28 dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero na bibiyahe papunta sa iba’t ibang lugar sa Caraga Region para sa pagnilay-nilay Semana Santa at pati na rin sa summer vacation.
Ayon kay Ensign Roy Christopher Orillaneda, ang heightened alert ay bahagi ng kanilang nationwide preparedness measures upang mapangasiwaan ang malaking pagtaas ng passenger traffic at maritime activities.
Kaya naman nakikipag-ugnayan na sila sa mga Coast Guard units, port authorities, shipping companies, at iba pang maritime stakeholders upang mapalakas ang kanilang monitoring, inspection, at safety operations, at masiguro ang ligtas, maayos, at organisadong biyahe ng mga pasahero at mga sasakyang pandagat, kabilang na ang mga maliligo sa dagat sa loob ng kanilang area of responsibility.
Wala naman aniyang dapat ipangamba dahil nag-deploy sila ng mga tauhan sa mga estratehikong lugar pati na sa mga tourist destinations sa rehiyon tulad ng Siargao Islands, Bucas Grande, at Dinagat Islands Province, upang magbigay ng assistance at mapanatili ang matibay na presensya ng seguridad para sa kaligtasan ng lahat ng mga biyahero.
















