-- Advertisements --

Nagkausap sa telepono sina Pope Leo XIV at Israel President Isaac Herzog upang talakayin at mawaksan na ang nagpapatuloy na giyera sa Middle East umaga ng Biyernes, Abril 3.

Kinumpirma ito sa isang statement na inilabas ng Holy See Press Office, kung saan iginiit ng Santo Papa kay President Herzog ang pangangailangang buksan muli ang lahat ng posibleng linya ng diplomatikong diyalogo upang matigil na ang malubhang sigalot.

Layunin ng pag-uusap na ito ng lider ng Simbahang Katolika at Israel na makahanap ng paraan para sa isang matibay at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon, lalo na sa konteksto ng nagpapatuloy na labanan.

Nagtapos ang naturang pag-uusap sa pagbibigay diin ng Santo Papa sa kahalagahan ng pagprotekta sa mga sibilyan at pagrespeto sa international humanitarian law.

Ang naturang tawag sa pagitan ng Santo Papa at Pangulo ng Israel ay sa gitna ng pagdiriwang ng Easter (Pagkabuhay) at Jewish Passover, kung saan nagpalitan din sila ng pagbati.

Si Pope Leo XIV, na nagpahayag ng matinding pagkabahala sa tumataas na karahasan, ay patuloy na nananawagan sa mga pinuno ng mundo na piliin ang negosasyon kaysa sa armas.